Pag-enroll sa Paaralan

Ang lahat ng batang nakatira sa Estado ng Washington ay may karapatang mag-access ng pampublikong edukasyon.

Maaaring magsimula ang mga bata sa kindergarten sa edad na 5 at magpatuloy sa pag-aaral hanggang sa makapagtapos sila o umabot sa 21 taong gulang.

Magsisimula ito sa pag-enroll (o sa pagpaparehistro). Kasama sa mga nakukuha naming tanong tungkol sa pag-enroll sa paaralan ang:

  • Ano ang impormasyon o papeles na kailangan para mag-enroll?
  • Sino ang puwedeng mag-enroll sa isang mag-aaral?
  • Saan puwedeng mag-enroll ang isang mag-aaral, o aling paaralan ang puwedeng piliin ng isang pamilya?   

I-click ang mga tanong sa ibaba.

Ano ang impormasyon o papeles na karaniwang kailangan para mag-enroll?

Upang mai-enroll ang isang mag-aaral, karaniwang nanghihingi ang mga paaralan ng mga dokumento upang:

  • Beripikahin ang iyong address;
  • Kumpirmahin ang edad ng iyong anak (lalo na sa pag-enroll sa kindergarten); at
  • Ipakita na nakatanggap ang iyong anak ng mga kailangang bakuna.

Kadalasan, naglilista ang mga paaralan ng mga halimbawa ng uri ng dokumentong magagamit mo para mag-enroll. Kung wala ka ng mga partikular na dokumentong karaniwang kailangan ng mga paaralan (tulad ng kopya ng bill, o katibayan ng kapanganakan ng iyong anak), idulog ang tungkol sa sitwasyon mo sa tanggapan para sa pag-enroll sa paaralan.

Mga Pamalit sa Katibayan ng Kapanganakan/Pasaporte: Dapat tanggapin ng mga paaralan ang mga pamalit na nagpapakita sa edad o petsa ng kapanganakan ng bata. Hindi maaaring ipilit ng paaralan ang paghingi ng katibayan ng kapanganakan o pasaporte kung wala kang ganito. Posibleng kasama sa mga pamalit ang talaan ng pag-ampon, sertipikadong pahayag ng isang doktor, o talaan ng pagbabakuna na may nakalagay na petsa ng kapanganakan.

Patunay ng Paninirahan: Karaniwang nanghihingi ang mga paaralan ng patunay kung saan ka naninirahan upang masigurong residente ng distrito ang iyong anak. Gayunpaman, kung hindi ka naninirahan sa isang regular na lugar (kung wala kang tirahan) sa kasalukuyan, hindi maaaring humingi ng mga dokumento ang paaralan bago i-enroll ang iyong anak. Kung posibleng angkop ang sitwasyong ito sa iyo o sa isang batang nasa pangangalaga mo, hilingin sa paaralan o sa tanggapan ng distrito na makausap mo ang “McKinney Vento Liaison (Tagapag-ugnay para sa McKinney Vento)” ng distrito ng paaralan.

Tandaan, ang lahat ng batang nakatira sa Estado ng Washington ay may karapatang mag-access ng pampublikong edukasyon. Kung sinusubukan mong i-enroll ang iyong anak sa paaralan, ngunit wala ka ng papeles na karaniwang kailangan ng mga paaralan, mangyaring humingi ng tulong.

Maaari kang humingi ng tulong sa paaralan o sa tanggapan ng distrito ng paaralan. Maaari ka ring makipag-ugnayan sa tanggapan namin sa 1-866-297-2597 o pumunta sa page namin na Get Our Help (Magpatulong sa Amin) upang makaugnayan kami sa pamamagitan ng aming online na sistema ng pagpapatala sa: https://services.oeo.wa.gov/oeo

Sino ang puwedeng mag-enroll sa isang mag-aaral?

Sa Estado ng Washington, kasama sa mga taong puwedeng mag-enroll sa isang bata ang:

  • Mga Magulang o Legal na Tagapag-alaga
  • Isang taong gumaganap bilang Magulang kung walang magulang o tagapag-alaga. Maaaring kasama rito ang:
    • Isang kamag-anak na nagbibigay ng “Kinship Care (Pangangalaga ng Kaanak)”,
    • Isang Tagapag-ampong Magulang, o
    • Isang Tagapagbigay-alagang gumaganap sa tungkulin ng magulang.
  • Isang Nagsasariling Kabataan. Ang isang nakakabatang taong hindi nakatira kasama ng magulang, at walang pirmi, regular o sapat na lugar na natitirhan, ay maaaring humingi ng tulong sa pag-enroll sa sarili bilang “Kabataang Walang Kasama at Walang Tirahan.” Hilingin na makausap ang isang McKinney Vento Liaison kung nagsasarili ka, o kung tinutulungan mo ang isang nakakabatang taong nagsasarili para mag-enroll sa paaralan.

Ayon sa Family Educational Rights and Privacy Act (FERPA, Batas sa mga Pang-edukasyong Karapatan at Privacy ng Pamilya), na pederal na batas sa mga talaan para sa edukasyon, ang “magulang” “ay kinabibilangan ng natural na magulang, tagapag-alaga, o isang indibiduwal na gumaganap bilang magulang kung walang magulang o tagapag-alaga.” (Mababasa mo ang iba pang tungkol sa FERPA, sa website ng U.S. Department of Education (Kagawaran ng Edukasyon ng Estados Unidos) sa: https://studentprivacy.ed.gov/.)

Kapag ang isang bata ay nasa pangangalaga ng tagapag-ampon, maaaring maraming tao ang kasali sa pagpapasya tungkol sa kanyang edukasyon. Kadalasan, tinutukoy sa isang form ng Caregiver Authorization (Pahintulot sa Tagapagbigay-alaga) ang taong makakapagpasya para sa edukasyon ng isang bata, kasama na ang pag-enroll sa kanya sa paaralan. Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang Guide to Supporting Students in Foster Care (Gabay sa Pagsuporta sa mga Mag-aaral na Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon), na makukuha sa Treehouse for Kids (www.treehouseforkids.org), mula sa Foster Care Program (Programa para sa Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon) ng Office of Superintendent of Public Instruction (OSPI, Tanggapan ng Tagapamahala ng Pagtuturo sa Publiko) (https://www.k12.wa.us/student-success/access-opportunity-education/foster-care), at sa direktang link na ito: https://www.treehouseforkids.org/wp-content/uploads/2018/01/treehouse2017final2ndedinteractive.pdf

Saan puwedeng mag-enroll ang isang mag-aaral sa paaralan?  

Distrito ng Paaralan ng Residente

Ang lahat ng mag-aaral ay may karapatang mag-access ng edukasyon mula sa distrito kung saan pinakamadalas na nakatira ang mag-aaral. Ito ang “distrito ng paaralan ng residente” ng mag-aaral. 

Maaaring iba ang tirahan ng isang mag-aaral sa tirahan ng kanyang mga magulang.

Ang panuntunan ng Estado ng Washington na nagbibigay-kahulugan sa tirahan ng isang mag-aaral ay nasa Washington Administrative Code (Kodigong Administratibo ng Washington), “WAC” sa WAC 392-137-115, na makikita mo online sa: https://apps.leg.wa.gov/WAC/default.aspx?cite=392-137-115. Ipinapaliwanag dito na ang tirahan ng isang mag-aaral ay kung saan pinakamadalas na nananatili ang isang mag-aaral.

Pagtatalaga ng Paaralan sa loob ng Isang Distrito

Karaniwang makakapagpasya ang bawat distrito kung paano itatalaga ang mga mag-aaral sa iba't ibang paaralan sa loob ng distrito.

Ang karamihan ng distrito ng paaralan ay nagtatalaga ng mga mag-aaral sa isang paaralang malapit sa kung saan sila nakatira, na kadalasang tinatawag na “pinapasukang lugar” o paaralan sa kapitbahayan. Kapag puno na ang mga paaralan sa kapitbahayan, maaaring italaga ng mga distrito ng paaralan ang mga mag-aaral sa ibang paaralan sa loob ng distrito.

Maraming malalaking distrito ng paaralan ang mayroon ding panahon para sa “bukas na pag-enroll” kung kailan makakapag-apply ang mga pamilya sa mga paaralang gusto nila. Madalas, isinasagawa ito nang malapit sa simula ng taon sa kalendaryo hanggang sa unang bahagi ng spring. Maghanap ng impormasyon sa iyong distrito tungkol sa mga opsiyon para sa pag-enroll sa paaralan.

Kapag naitalaga na ang isang mag-aaral sa partikular na paaralan, pinapayagan lang ng ilang distrito ang paglipat sa ibang paaralan kung may problema o katulad na dahilan. Pinapayagan naman ng iba ang paglipat kung may espasyo pa. Itanong kung ano ang mga patakaran at pamamaraan ng distrito mo upang alamin pa ang tungkol sa mga opsiyon sa loob ng iyong distrito.

Tandaan, ang bawat bata ay may karapatang mag-access ng edukasyon mula sa distrito ng paaralan kung saan siya nakatira. Kung may kinakaharap kang problema sa pag-enroll, maaari kang makipag-ugnayan sa aming tanggapan sa 1-866-297-2597, sa pag-email sa oeoinfo@gov.wa.gov, o sa pamamagitan ng aming online na sistema ng pagpapatala sa: https://services.oeo.wa.gov/oeo

Paaralan sa Pinagmulang Lugar – Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon o Walang Tirahan

Ang mga batang walang tirahan at ang mga batang nasa pangangalaga ng tagapag-ampon ay makakapasok sa paaralan kung saan sila kasalukuyang nananatili, o kaya, makakahingi sila ng tulong para manatili sa kanilang “Paaralan sa Pinagmulang Lugar,” kahit na kinailangan nilang lumipat ng ibang lugar. 

Ang batas na nagbibigay ng proteksiyon at suporta sa mga mag-aaral na walang tirahan ay tinatawag na “McKinney Vento Act (Batas McKinney Vento),” at ang bawat distrito ng paaralan ay may McKinney Vento Liaison na tumutulong sa mga pamilya at mag-aaral na walang tirahan. Maaaring kasama rito ang mga mag-aaral at pamilyang nakikitira sa mga kaibigan o kamag-anak dahil wala silang sariling lugar. Kung may pagkakataong makuwalipika ka o ang iyong anak para sa suporta ng McKinney Vento, kasama na ang pananatili sa Paaralan sa Pinagmulang Lugar, mangyaring hilinging makausap ang “McKinney Vento Liaison” ng iyong distrito ng paaralan. Maaari mo ring tingnan ang iba pang impormasyon tungkol sa Mga Suporta para sa mga Mag-aaral na Walang Tirahan sa aming website.

Ang pederal na batas sa edukasyon na kilala bilang “ESSA,” (Every Student Succeeds Act (Batas na Magtatagumpay ang Bawat Mag-aaral)), ay nagdagdag kamakailan ng seksiyong nagbibigay ng proteksiyon sa paaralan sa pinagmulang lugar, transportasyon at agarang pag-enroll sa mga batang nasa pangangalaga ng tagapag-ampon. Kung may inaalagaan kang batang ampon, hilinging makausap ang “Foster Care Liaison (Tagapag-ugnay para sa Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon)” ng iyong distrito upang alamin kung paano ka niya matutulungan sa pagsuporta sa edukasyon ng iyong anak.

Magbasa pa tungkol sa proteksiyon at suporta para sa mga mag-aaral na Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon sa Guide to Supporting Students in Foster Care (Gabay sa Pagsuporta sa mga Mag-aaral na Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon), na makukuha sa Treehouse for Kids (Bahay sa Puno para sa Mga Bata) (https://www.treehouseforkids.org/), mula sa Foster Care Program (Programa ng Nasa Pangangalaga ng Tagapag-ampon) ng OSPI (https://www.k12.wa.us/student-success/access-opportunity-education/foster-care), at sa direktang link na ito: https://www.treehouseforkids.org/wp-content/uploads/2018/01/treehouse2017final2ndedinteractive.pdf. 

Mga Opsiyon sa Pagpili at Paglipat ng Paaralan sa Ibang Distrito           

Maraming uri ng opsiyon sa pampublikong paaralan sa ating estado. Kung gusto mong pag-aralan ang isang opsiyong wala sa iyong distrito ngunit nasa isang kalapit na distrito o online, maaari mong hilinging makausap ang distrito tungkol sa “paglipat ng hindi residente”—ibig sabihin, gusto mong makatanggap ang mag-aaral mo ng mga serbisyo mula sa labas ng iyong distrito.   

Ang bawat distrito ay mayroon dapat patakaran sa paglipat para sa “hindi residente” o batay sa “kagustuhan.” Ang paghiling na makalipat mula sa isang distrito papunta sa isa pa ay prosesong may dalawang hakbang, kung saan ang una ay kailangang i-release ang iyong mag-aaral ng distrito kung saan ka residente at ang pangalawa naman ay kailangang tanggapin ang iyong mag-aaral ng distrito kung saan ka hindi residente. Makakakita ka ng link para sa online na portal sa paghiling ng paglipat batay sa kagustuhan sa website ng OSPI, sa: https://www.k12.wa.us/student-success/support-programs/student-transfers o sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong distrito. Tingnan ang aming web page sa Pagpili / Paglipat ng PaaralanToolkit para sa Paglipat batay sa Kagustuhan at webpage ng OSPI tungkol sa Paglipat ng Mag-aaral para sa iba pang impormasyon.

Kasama sa ilang opsiyon sa pampublikong paaralan sa Estado ng Washington ang:

Mga Alternatibong Karanasan sa Pag-aaral, kasama na ang Online at Pakikipagtulungan sa Bahay/Paaralan:

Nag-aalok ang ilang distrito ng paaralan ng “Mga Alternatibong Karanasan sa Pag-aaral,” na isang uri ng pampublikong edukasyon kung saan ang ilan o lahat ng pagtuturo ay inihahatid sa labas ng regular na silid-aralan. Kasama na rito ang mga programa ng online na pag-aaral at pakikipagtulungan sa bahay/paaralan.   

Hingin sa tanggapan ng iyong distrito ng paaralan, o tingnan sa website ng distrito mo ang impormasyon tungkol sa mga alternatibong opsiyon sa iyong lugar.

Makakakita ka rin ng listahan ng aprubadong Mga Programa ng Online na Pag-aaral sa mga webpage ng Alternatibo sa Pag-aaral ng OSPI, rito: https://ospi.k12.wa.us/student-success/career-technical-education-cte/cte-skill-centers.

Mga Panrehiyong Sentro ng Kasanayan:

Ang mga Sentro ng Kasanayan ay mga panrehiyong programa na nag-aalok ng mga kurso sa mga mag-aaral sa high school sa iba't ibang programa sa career at teknikal na larangan. May mahigit sa isang dosenang panrehiyong sentro ng kasanayan, at maraming branch campus, sa iba't ibang bahagi ng estado. Humingi ng impormasyon mula sa iyong tagapayo sa high school o sa tanggapan ng distrito upang alamin kung kalahok ang distrito mo sa isang programa ng Sentro ng Kasanayan, at kung anong mga uri ng kurso ang iniaalok nila.

Makakakita ka rin ng listahan ng mga Sentro ng Kasanayan, at mga link papunta sa mga website ng mga ito, sa page para sa pagtuturo sa career at teknikal na larangan ng OSPI, rito: https://ospi.k12.wa.us/student-success/career-technical-education-cte/cte-skill-centers.

Mga Programa ng Open Doors Re-Engagement:

Maraming distrito ang bumuo ng mga programa ng Open Doors Youth Reengagement (Pagtanggap sa Muling Sasaling Kabataan) na sumusuporta sa mga mag-aaral na 16-21 taong gulang na nahinto sa pag-aaral, pero gustong subukan itong muli. Ang mga programang Open Doors ay kadalasang may mas maluluwag na schedule, at nakikipagtulungan ang mga ito nang mas mabuti sa bawat nakakabatang tao upang maalalayan sila tungo sa pagtatapos at pagtatagumpay.  Kung naghahanap ka ng alternatibong paraan para makabalik sa paaralan, o makapagpatuloy, tanungin sa isang tagapayo sa high school o sa isang tao sa tanggapan ng distrito kung may Programa ng Re-engagement (Muling Pagsali) na malapit sa iyo.

Maaari ka ring makipag-ugnayan sa amin upang alamin kung matutulungan ka naming makahanap ng mga opsiyon. Maaari kang makipag-ugnayan sa amin sa 1-866-297-2597, mag-email sa oeoinfo@gov.wa.gov, o kumonekta sa amin sa pamamagitan ng online na sistema ng pagpapatala sa: https://services.oeo.wa.gov/oeo.

Iba Pang Opsiyon sa Pampublikong Paaralan

Bukod pa sa mga paaralang pinapatakbo ng 295 distrito ng paaralan sa Washington, kasama rin sa mga opsiyon sa pampublikong paaralan sa Estado ng Washington ang:

  • State School for the Blind, at
  • State School for the Deaf;
  • Mga paaralan ng mga tribo, at
  • Mga Public Charter na paaralan.

Makakakita ka ng impormasyon tungkol sa mga paaralan ng Mga Tribo sa website ng Office of Native Education (Tanggapan ng Edukasyong Pangkatutubo) ng OSPI sa: https://www.k12.wa.us/student-success/access-opportunity-education/native-education/types-tribal-schools.

Makakakita ka ng impormasyon tungkol sa mga kasalukuyang pinapatakbong public charter na paaralan mula sa Washington Charter School Commission (Komisyon ng Charter na Paaralan ng Washington), online sa: https://charterschool.wa.gov/. Para sa listahan ng mga charter na paaralan na awtorisado ng Komisyon, at kasalukuyang pinapatakbo, tingnan ito: https://charterschool.wa.gov/our-charter-public-schools/.

Para sa mga charter na paaralan na awtorisado ng Spokane Public Schools (Mga Pampublikong Paaralan ng Spokane), tingnan ito:https://www.spokaneschools.org/page/charter-school-authorization

Tingnan ang aming Toolkit para sa Pagpili / Paglipat ng Paaralan at ang webpage ng OSPI tungkol sa Paglipat ng Mag-aaral,  https://www.k12.wa.us/student-success/support-programs/student-transfers, para sa iba pang impormasyon.