Ano ang Individualized Education Program o “IEP?”

Ano ang Individualized Education Program o “IEP?”

Ang Individualized Education Program (IEP, Programa sa Edukasyon na Akma sa Indibidwal) ay detalyadong paglalarawan sa pagtuturo at mga serbisyong kailangan ng isang mag-aaral na may kapansanan upang makatanggap ng makabuluhang edukasyon. Ang Individualized Education Program, o IEP, ay isang dokumentong naglalarawan sa mga partikular na serbisyo ng special education na matatanggap ng isang bata. Ang IEP ay isang legal na dokumento, at karapat-dapat matanggap ng mga mag-aaral ang lahat ng serbisyong nakalagay sa IEP. Ang IEP ay akma dapat sa bata at sa kanyang mga pangangailangan sa edukasyon, at maaari itong kabilangan ng malilikhaing estratehiya para sa paghahatid ng mga serbisyo.

Kailangang isama sa IEP ang mga sumusunod:

  • Pahayag tungkol sa mga kasalukuyang antas ng pagganap sa pag-aaral at sa pag-function ng mag-aaral—kung ano na ang lagay ng mag-aaral
  • Mga taunang layunin sa pag-aaral
  • Pahayag kung paano susukatin ang progreso ng bata at kung kailan ibibigay ang mga pana-panahong ulat tungkol sa progreso ng bata
  • Paglalarawan ng lahat ng serbisyong matatanggap ng bata sa silid-aralan para sa general education at para sa special education
  • Paglalarawan ng “mga kaugnay na serbisyo” na matatanggap ng mag-aaral gaya ng speech at language therapy, transportasyon, at pagpapayo
  • Paglalarawan ng lahat ng ibibigay na pagbabago sa programa, gaya ng mga binagong materyal sa pagbabasa, tagapagbasa para sa mga pagsusulit at iba pang takdang-aralin, tape recorder para sa mga leksiyon, atbp.
  • Pagpapasya kung kailangan ng mag-aaral ng mga device at serbisyo ng pantulong na teknolohiya Ang ibig sabihin ng pantulong na teknolohiya ay mga kagamitan o sistemang nagpapahusay o nagpapanatili sa mga kakayahan ng mag-aaral, at maaaring kasama rito ang mga pangkomersiyong item gaya ng computer o custom na keyboard
  • Pagpapasya tungkol sa pagkuwalipika para sa inakmang Edukasyong Pangkatawan (PE), at kung paano ito ibibigay kung kuwalipikado
  • Paglalarawan kung paano lalahok ang mag-aaral sa mga klase at aktibidad sa general education, at kung hindi, bakit
  • Anumang akomodasyong ibibigay sa mag-aaral para sa pagkuha ng mga serbisyo sa pinalawig na taon ng paaralan, kung pagpapasyahan ng IEP Team na kailangan ang mga ito
  • Mga mapagparusang interbensiyon, kung mayroon man, na kailangan para sa mag-aaral
  • Lokasyon, haba ng panahon, at dalas ng mga ihahatid na serbisyo
  • Mga petsa kung kailan magsisimula ang mga serbisyo
  • Magsisimula nang mas maaga sa panahon kung kailan magkakabisa ang IEP kapag ang mag-aaral ay umabot na sa 16 na taong gulang, o mas bata kung ituturing itong angkop ng IEP Team: 1) mga angkop at nasusukat na postsecondary na layunin at 2) mga serbisyo ng pagtransisyon na kailangan upang matulungan ang mag-aaral na makamit ang mga layuning iyon.

Bukod pa rito, ang mga mag-aaral na kukuha ng mga kapalit na pagtatasa ay kailangang mayroon din sa kanilang IEP ng sumusunod:

  • Paglalarawan sa mga pamantayan o mithiin sa loob ng maikling panahon
  • Pahayag kung bakit hindi makakalahok ang mag-aaral sa regular na pagtatasa
  • Pahayag kung bakit angkop ang partikular na kapalit na pagtatasa para sa mag-aaral.

Gaano kaaga pagkatapos ng inisyal na ebalwasyon makakakuha ng IEP ang anak ko kung kuwalipikado siya para sa special education?

Sa loob ng 30 araw sa kalendaryo pagkatapos ng pasyang kuwalipikado ang mag-aaral para sa special education, kailangang magsagawa ng pulong para sa IEP. Kapag napagpasyahan na ng distrito ng paaralan na kuwalipikado ang mag-aaral para sa mga serbisyo ng special education, magkakaroon ang distrito ng 30 araw sa kalendaryo (hindi araw na may pasok sa paaralan) upang magsagawa ng pulong para sa IEP at bumuo ng planong akma sa indibiduwal para sa mag-aaral.

Sino ang gagawa ng IEP?

Ang IEP Team ay binubuo ng mga taong makakatulong na gawin ang programa sa edukasyon ng mag-aaral. Responsibilidad ng isang team ng mga tao na isulat at aprubahan ang IEP. Ang mga sumusunod na tao ay bahagi ng IEP Team at sa karaniwan, dapat silang dumalo sa lahat ng pulong para sa IEP:

  • Mga magulang o legal na tagapag-alaga
  • Kahit isa sa mga guro sa general education ng mag-aaral (kung kalahok o maaaring kalahok ang mag-aaral sa general education)
  • Kahit isa sa mga guro sa special education ng mag-aaral o kaya, isang provider ng special education, kung angkop
  • Isang kinatawan ng distrito na kuwalipikado sa edukasyon ng mga batang may kapansanan at may sapat na kaalaman tungkol sa pangkalahatang curriculum at sa mga magagamit na resource (gaya ng direktor ng special education)
  • Isang indibiduwal na makakaunawa sa datos ng ebalwasyon (maaaring isa sa mga taong binanggit sa itaas o ang sikolohista ng paaralan)
  • Kung gusto ng magulang o distrito, iba pang taong may sapat na kaalaman o eksperto sa partikular na larangan hinggil sa bata
  • Ang mag-aaral (kung angkop)
  • Mga provider ng serbisyo ng transisyon (gaya ng mga bokasyonal na espesyalista o isang tao mula sa ahensiya sa labas gaya ng Developmental Disability Administration (DDA, Sangay ng Mga Kapansanan sa Paglinang)).

Maaaring makasali sa IEP Team ang iba pang tao. Partikular na pinapayagan ng batas ang iba pang taong “may sapat na kaalaman o eksperto sa partikular na larangan hinggil sa bata” na sumali sa IEP Team. Ibig sabihin, maaaring isama sa IEP Team ang mga kamag-anak, kaibigan ng pamilya, miyembro ng komunidad, therapist, at advocate. Ang distrito o magulang ang magpapasya kung sino ang may sapat na kaalaman o eksperto hinggil sa bata. Kung may mga taong sa tingin mo ay kasali dapat sa IEP Team ng iyong anak, tiyaking ipapaalam mo ito sa paaralan upang maimbitahan sila. Gayunpaman, sa ilalim ng IDEA at batas sa special education ng estado, maaaring hindi kailanganing dumalo ng mga miyembro ng IEP Team sa lahat ng pagkakataon. Ang isang miyembro ng IEP Team na nakalista sa itaas ay hindi kailangang dumalo sa pulong para sa IEP kung hindi patungkol ang paksa ng pulong sa larangan ng curriculum ng miyembro, at nagkasundo sa isang sulat ang magulang at distrito ng paaralan na hindi kailangan ang kanyang pagdalo. Halimbawa, maaaring hindi kailangang dumalo ng provider ng serbisyo sa pananalita at wika kung hindi patungkol sa mga serbisyo sa pananalita ang paksa ng pulong para sa IEP, at nagkasundo sa isang sulat ang magulang at distrito ng paaralan na hindi kailangang dumalo ng provider ng serbisyo sa pananalita at wika dahil ang layunin ng pulong ay para talakayin lang ang plano ng interbensiyon sa pag-uugali ng mag-aaral. Dagdag pa rito, ang mga miyembro ng IEP Team ay maaaring hindi isali sa pulong KAHIT NA patungkol ang pulong sa pagbabago o pagtalakay sa larangan ng miyembro kung pagkakasunduan ito sa isang sulat ng magulang at distrito ng paaralan. Gayunpaman, ang hindi isinaling miyembro ng IEP Team ay kailangang magsumite ng nakasulat na input para sa pagbuo ng IEP sa magulang at distrito ng paaralan bago ang pulong.

Paano ko malalaman kung kailan magpupulong ang IEP Team?

Kailangang abisuhan ng distrito ang mga magulang tungkol sa layunin ng pulong para sa IEP, sa oras at lokasyon, at kung sino ang dadalo. Kailangang magbigay ng ditrito ng maagang abiso upang masigurong mabibigyan ng pagkakataong dumalo ang mga magulang. Dapat i-schedule ang pulong sa oras at lugar na mapagkakasunduan. Kung magkakasundo ang magulang at distrito ng paaralan, maaari ding isagawa ang mga pulong sa pamamagitan ng telepono o video conference.

Ano ang maiaambag ko sa IEP?

Ang input mula sa mga magulang at iba pang nakakakilala sa mag-aaral at may pakialam sa kanyang pagtatagumpay ay susi sa paggawa ng mabisang programa sa special education. Makabuluhang bahagi ng IEP Team ang mga magulang, at posibleng may mahuhusay silang ideya sa kung sino pa ang ibang dapat isamang tao na makakatulong. Kailangang isaalang-alang ng IEP Team ang mga limitasyon kapag gumagawa ng plano. Dapat mong ipaalam sa paaralan kung sa tingin mo ay may iba pang taong makakapag-ambag sa prosesong ito. Ang isang mahalagang bahagi ng tungkulin mo bilang advocate ay ang pagsusuri sa programa at mga serbisyo sa edukasyon na iniaalok ng distrito ng paaralan. Halimbawa, makatuwiran ba ang mga layunin at mithiin batay sa pagkakaunawa mo sa mga kakayahan ng iyong anak? Makakagawa ba ng pagbabago para sa iyong anak ang mga uri ng serbisyong inirerekomenda ng distrito? Kung mayroon kang suhestiyon para mapabuti ang plano sa edukasyon, dapat mo itong ipahayag sa pulong ng IEP Team. Maaari ka ring magdagdag ng bagong perspektibo at pagkamalikhain sa proseso. Mag-isip ng mga paraan para maengganyo ang iyong anak na posibleng hindi pa naisip ng mga tagapagturo. Halimbawa, kung ang pagbibigay ng gantimpala gaya ng oras para sa espesyal na aktibidad o sport ay nagpapagana sa iyong anak na makatapos ng mga gawaing-bahay, maaaring maglagay rin sa paaralan ng katulad na gantimpala para sa pagtapos ng mga takdang-aralin. O kaya, marahil ay alam mong nahihirapan ang iyong anak kapag maraming sagabal, masyadong matao at maingay. Maaari mong imungkahi na magpalit ng klase ang iyong anak bago o pagkatapos ng iba pang mag-aaral.

Paano tinutugunan ng IEP ang mga problema sa pag-uugali?

Ang IEP ay may kasama dapat na pagtatasa sa pag-uugaling functional at plano ng interbensiyon sa pag-uugali kung may mga problema sa pag-uugali. Para sa isang mag-aaral na may pag-uugaling nakakasagabal sa pagkatuto niya o ng ibang mag-aaral, dapat magbigay ang IEP ng mga layunin at mithiin para mapabuti ang pag-uugali at ng mga estratehiya para matugunan ang problema. Mahalagang tandaan na maaaring may kinalaman ang kapansanan ng mag-aaral sa kanyang pag-uugali. Dapat paghandaan ng IEP ang posibilidad na magkaroon ng mga problema sa pag-uugali at dapat itong gumawa ng mabibisang paraan para matugunan ang mga problemang iyon bago pa mangyari ang mga ito.

Kailan susuriin o irerebisa ang IEP?

Kahit isang beses sa isang taon, ngunit mas madalas kung hihilingin ng isang miyembro ng IEP Team. Dapat suriin ang mga IEP nang kahit isang beses sa isang taon. Gayunpaman, kailangang sundin ng distrito ang isang IEP kahit na lampas na ito sa takdang petsa para sa pagsusuri. Sa katapusan ng taon, kailangang magpulong ng IEP Team upang suriin ang programa sa edukasyon at alamin kung nakakamit ang mga taunang layunin. Kailangang irebisa ang IEP kung walang naipakitang progreso sa akademiko o kung may bagong impormasyon tungkol sa mag-aaral. Dapat ding paghandaan sa IEP ang mga posibleng pagbabago sa pangangailangan ng mag-aaral habang siya ay nagkakaedad. Maaari ding suriin ang IEP anumang oras kung hihilingin ng isang miyembro ng team o kapag nagbago na ang mga sitwasyon. Gayunpaman, sa ilalim ng IDEA at batas sa special education ng estado, maaari na ngayong gumawa ng pagbabago sa IEP ng bata pagkatapos ng taunang pulong para sa pagsusuri nang hindi na kailangang magpulong pa para sa IEP kung pagkakasunduan ito ng magulang at distrito. Sa sitwasyong ito, maaaring gumamit ng nakasulat na dokumento upang iwasto o baguhin ang IEP ng bata. Kung hihilingin ng magulang, kailangang magbigay ang distrito ng paaralan sa magulang ng nirebisang kopya ng IEP kung saan nakalagay ang pagwawasto. Kung sa tingin mo ay nagbago ang IEP o ang mga serbisyo ng special education ng iyong anak, humingi sa Distrito ng kopya ng pinakabagong IEP kasama na ang anumang nakasulat na pagwawastong isinagawa ayon sa kasunduan. Sa ilalim ng IDEA, hinihikayat din ang mga distrito ng paaralan na bawasan ang mga pulong para sa IEP na isinasagawa para sa bawat mag-aaral kada taon sa pamamagitan ng paghihikayat na pagsabay-sabayin na lang ang mga pulong ng IEP Team.

Paano kung may mga binago sa IEP ng anak ko nang wala ng pahintulot ko?

Agad na kausapin ang paaralan tungkol sa iyong mga alalahanin. Bahagi ka ng IEP Team at kailangang kasama ka sa lahat ng pagpapasya tungkol sa programa sa special education ng iyong anak. Kung hindi malutas ang di-pagkakasundo sa impormal na paraan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kawani ng paaralan, basahin ang Seksiyon VII ng Paglutas ng Hindi Pagkakaunawaan sa lathalaing ito para sa iba pang opsiyon.

Kapag nakuwalipika na ang anak ko para sa special education, mayroon pa bang dagdag na ebalwasyon?

Oo, dapat suriin ang mga mag-aaral na may kapansanan nang kahit isang beses sa bawat tatlong taon, at nang mas madalas kung kailangan. Bagamat kailangang suriin ang IEP nang isang beses kada taon, hindi kailangang ulitin nang ganoong kadalas ang ebalwasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan. Kailangang ulitin ang ebalwasyon nang kahit isang beses sa bawat tatlong taon. Maaaring magkasundo ang magulang at ang distrito ng paaralan na hindi kailangang ulitin ang ebalwasyon kada tatlong taon. Gayunpaman, ang mga ebalwasyon kada tatlong taon ay kadalasang nagbibigay sa mga magulang at distrito ng paaralan ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalagayan ng mag-aaral. Isipin na lang ang mga pagbabagong nararanasan ng isang mag-aaral sa loob ng tatlong taon mula grade school hanggang high school! Pag-isipang mabuti bago sumang-ayon na hindi ipasuring muli ang iyong anak dahil maaaring maraming bagay ang magbago sa loob ng tatlong taong dadaan mula noong huling ebalwasyon. Maaaring muling suriin ang isang mag-aaral nang mas maaga kung pagpapasyahan ng distrito ng paaralan na kailangang ulitin ang ebalwasyon para sa mga pangangailangan sa edukasyon at serbisyo ng bata (kasama na rito ang mga sitwasyon kung saan bumuti ang lagay ng bata) o kung hihilingin ng magulang o guro na ulitin ang ebalwasyon. Gayunpaman, maaaring hindi ulitin ang ebalwasyon nang mas madalas kaysa sa isang beses kada taon, maliban na lang kung mapagkakasunduan ng magulang at distrito na kailangan ang ebalwasyon. Ang mga layunin ng pag-ulit sa ebalwasyon ay upang alamin:

  1. Kung patuloy na natutugunan ng mag-aaral ang mga pamantayan sa pagkuwalipika
  2. Kung anong mga karagdagang serbisyo ang kailangan para matugunan ang mga layunin ng IEP
  3. Ang mga kasalukuyang antas ng pagkamit sa akademiko at mga kaugnay na pangangailangan sa paglinang ng mag-aaral.

Kailangang suriin ng IEP Team ang kasalukuyang datos ng ebalwasyon para sa mag-aaral at pagpasyahan kung anong karagdagang pagsusuri, kung mayroon man, ang kailangan upang tugunan ang tatlong isyung nakalista sa itaas.

Saan matatanggap ng anak kong may kapansanan ang mga serbisyong inilalarawan sa IEP niya?

Kailangang turuan ang mga mag-aaral na may kapansanan sa lugar sa pagtuturo na may pinakakaunting restriksiyon - at maaaring ang ibig sabihin nito ay sa klase para sa general education. Ang mahalagang prinsipyo ng IDEA ay dapat isama sa programa ng general education ang mga mag-aaral na may kapansanan hangga't maaari at hindi ibukod o turuan nang nakahiwalay. Ang mga batang may kapansanan ay may karapatang maturuan sa lugar na may pinakakaunting restriksiyon. Ibig sabihin, kailangang isaalang-alang ng IEP Team na turuan at bigyan ng mga serbisyo ang isang mag-aaral sa lugar na kapareho ng sa mga mag-aaral na walang kapansanan para sa mga aktibidad na akademiko, hindi akademiko, at extracurricular. Maaari lang alisin ang isang mag-aaral na may kapansanan sa silid-aralan ng general education kung lubos na malala o nakakasagabal ang mga pangangailangan sa paraang hindi siya makagawa ng progreso sa pag-aaral, kahit na may dagdag na suporta at serbisyo na sa silid-aralan ng general education. Hindi lahat ng mag-aaral na may kapansanan ay magtatagumpay sa silid-aralan ng general education nang walang suporta. May ilang mag-aaral na kailangan ng indibiduwal na tulong mula sa katuwang ng guro sa klase, o ng mga pagbabago sa curriculum, materyal, paraan ng pagtuturo. May ibang mag-aaral naman na kailangan ng ganap na ibang lugar, gaya ng paaralan para sa may espesyal na pangangailangan o pagtuturo sa bahay. Kailangang siguruhin ng bawat distrito ng paaralan na mayroong hanay ng mga lugar sa pagtuturo para sa mga mag-aaral na may kapansanan dahil ang ilang mag-aaral na may kapansanan ay nangangailangan ng higit pa sa kayang ialok ng lugar sa general education. Kailangang turuan ang mga mag-aaral sa lugar sa pagtuturo na pinakamalapit sa silid-aralan ng general education, sa paraang mabibigyan pa rin ng pagkakataon ang mag-aaral na makagawa ng progreso sa akademiko. Ang hanay ng mga lugar sa pagtuturo na ito ay tinatawag minsan na koleksiyon ng mga lugar at maaaring kabilangan ng mga opsiyong inilalarawan sa chart na nasa kaliwa.

Ano ang mangyayari kung may IEP ang anak ko at lilipat kami ng lugar habang nasa taon ng paaralan?

  1. Lilipat sa loob ng estado: Ang bagong distrito ng paaralan ay kailangang magbigay sa mag-aaral ng mga serbisyong katulad ng nakalagay sa IEP mula sa dating distrito, hanggang sa mapagtibay na ng bagong distrito ang dating IEP o makabuo na ito ng bagong IEP.
  2. Lilipat sa labas ng estado: Ang bagong distrito sa bagong estado ay kailangang magbigay sa mag-aaral ng mga serbisyong katulad ng nakalagay sa IEP mula sa dating distrito, hanggang sa makagawa na ng ebalwasyon ang bagong distrito, kung kailangan, at makabuo na ito ng bagong IEP.

Sa parehong sitwasyon, kailangang magsagawa ang bagong paaralan ng mga makatuwirang hakbang upang agad na makuha ang mga rekord sa special education ng bata, at kailangang agad na matugunan ng dating paaralan ang hiling na makuha ang mga rekord.

Makakatanggap ba ang anak kong may kapansanan ng mga serbisyo sa special education sa summer?

Oo.

  1. Mga serbisyo sa Extended School Year (ESY, pinalawig na taon ng paaralan)

Maaaring makatanggap ang mag-aaral na may kapansanan ng mga serbisyo ng special education sa summer kung pagpapasyahan ng IEP Team na kailangan ang mga serbisyo upang makakuha ang mag-aaral ng makabuluhang edukasyon. Ang pagkuwalipika para sa mga serbisyo sa pinalawig na taon ng paaralan ay maaaring ibatay sa mga sumusunod na salik:

  • Sa posibilidad na makalimutan ng mag-aaral ang mga kasanayan niya pagdaan ng summer
  • Kung kailangan ang programang pang-summer upang matugunan ng mag-aaral ang mga taunang layunin ng IEP
  • Sa rekomendasyon ng isang propesyonal
  • Sa kasaysayan sa edukasyon ng mag-aaral.

Inaatasan ang mga distrito ng paaralan na bumuo ng mga pamantayan para sa mga IEP Team na gagamitin upang alamin kung kailangan ng mag-aaral ang mga serbisyo sa pinalawig na taon ng paaralan. Kung sa tingin mo ay kailangan ng iyong anak ng mga serbisyo sa pinalawig na taon ng paaralan, humingi ng kopya ng mga pamantayan ng distrito. Kung magbibigay ng programang pang-summer, kailangan nitong matugunan ang mga layunin ng IEP. Sa madaling salita, maaaring hindi makasapat ang paglahok sa mga kurso ng paaralan na pang-summer para sa general education na iniaalok sa lahat ng mag-aaral. Kung nakalagay sa IEP ng isang mag-aaral na one-on-one na tulong ang kailangan para sa taon ng paaralan, one-on-one na tulong din ang kailangang ibigay sa kanya sa summer. Kailangang ibigay ang programa sa pinalawig na taon ng paaralan nang walang babayaran ang mag-aaral. Kung walang angkop na programang pang-summer ang distrito para sa isang mag-aaral na kuwalipikado para sa mga serbisyo sa pinalawig na taon ng paaralan, dapat gumawa ang distrito ng ganito o magbayad para makalahok ang mag-aaral sa isang programang iniaalok ng ibang distrito ng paaralan o pribadong organisasyon. Kailangang bayaran ng distrito ang transportasyon at iba pang gastusing kaugnay ng programa sa pinalawig na taon ng paaralan.

  1. Mga akomodasyon at serbisyo sa paaralang pang-summer para sa general education

Kung hindi kuwalipikado ang mag-aaral na may kapansanan para sa mga serbisyo ng ESY pero nag-sign up siya para sa programa sa paaralang pang-summer para sa general education ng distrito, dapat pa ring magbigay ang paaralan ng mga akomodasyon at specialized na paraan ng pagtuturo sa mag-aaral. Hilingin ang mga serbisyong ito sa ilalim ng IDEA o Section 504 kung kailangan ng iyong anak ng mga karagdagang tulong upang makalahok sa programa.

Makakatulong ba ang programa sa special education para makapagtransisyon ang anak ko mula sa paaralan hanggang sa pamumuhay bilang nasa hustong gulang?

Oo, kailangang magbigay ang special education ng mga serbisyo ng pagtransisyon sa mga mag-aaral nang kahit pagkatuntong na nila sa edad na labing-anim. Nagbibigay ang special education ng mga serbisyo sa lahat ng mag-aaral na may kapansanan upang matulungan silang maghanda para sa pamumuhay bilang nasa hustong gulang. Ang mga serbisyong ito, na tinatawag na “mga serbisyo ng pagtransisyon,” ay ginawa upang isulong ang paglipat mula sa paaralan papunta sa mga aktibidad pagkatapos ng pasok sa paaralan, kasama na ang pag-aaral sa kolehiyo at sa post-secondary, mga programa sa bokasyonal na pagsasanay, programa sa pamumuhay nang nakakapagsarili, serbisyo para sa nasa hustong gulang, at pagtatrabaho nang may suporta. Kailangang simulan ng mga distrito ng paaralan ang pagpaplano sa pagtransisyon para sa mas nakakatandang mag-aaral, nang mas maaga sa panahon kung kailan magkakabisa ang unang IEP kapag 16 na taong gulang na ang mag-aaral. Ibig sabihin, kailangang tugunan ng distrito ng paaralan ang pagpaplano sa pagtransisyon sa taunang pulong para sa IEP bago sumapit ang ika-16 na kaarawan ng mag-aaral. Pagkatapos matugunan ang pagtransisyon, kailangang magsama sa IEP ng mga angkop at nasusukat na layuning post secondary na kaugnay ng pagsasanay, pag-aaral, pagtatrabaho at, kung angkop, mga kasanayan sa pamumuhay nang nakakapagsarili, at kailangan nitong ilista ang mga serbisyo ng pagtransisyon, kasama na ang mga kurso ng pag-aaral, na kailangan ng mag-aaral upang makamit ang mga layuning ito. Kailangang batay ang mga layuning ito sa pagtatasa para sa pagtransisyon na angkop sa edad. Ang mga uri ng serbisyo ng pagtransisyon na matatanggap ng isang mag-aaral ay dapat magsaalang-alang sa kanyang mga interes at kagustuhan at sa mga kasanayang kailangan niyang makuha.

Puwede ba akong makakuha ng naka-translate na kopya ng IEP ng anak ko?

Oo, puwede ka dapat makakuha ng naka-translate na kopya kung kailangan mo ito para maintindihan ang Individualized Education Program (IEP, Programa ng Edukasyon na Akma sa Indibiduwal) ng iyong anak.

Ayon sa mga panuntunan sa special education (espesyal na edukasyon), dapat i-translate ng mga distrito ang mga form ng pahintulot at “prior written notices mga paunang nakasulat na paunawa.”

para sa special education. Walang partikular na binanggit sa mga panuntunan sa special education tungkol sa pag-translate ng mismong IEP. Gayunpaman, ipinaliwanag ng US Department of Education (Kagawaran ng Edukasyon ng US) at US Department of Justice (Kagawaran ng Katarungan ng US) na upang makasunod sa Title VI ng Civil Rights Act (Batas sa mga Karapatang Sibil), handa dapat ang mga distrito na magbigay ng translation ng IEP. Ipinaliwanag nila na:

Sa ilalim ng Title VI, ang lahat ng mahahalagang dokumento, kasama na ang IEP ng isang mag-aaral, ay naa-access dapat ng mga magulang ng LEP [May Limitadong Kasanayan sa English], ngunit hindi ibig sabihin na naka-translate dapat ang lahat ng mahahalagang dokumento para sa bawat wika sa distrito. Halimbawa, maaaring sapat na sa ilang sitwasyon ang magkaroon ng nasa oras at kumpletong oral interpretation o naka-translate na buod ng isang mahalagang dokumento. Gayunpaman, handa dapat ang isang distrito na magbigay ng mga nasa oras at kumpletong naka-translate na IEP para makapaglaan ng makabuluhang access sa IEP at sa mga karapatan ng mga magulang para dito. Ito ay dahil kailangan ng mga magulang ng makabuluhang access sa IEP, hindi lang kapag nasa pulong para sa IEP, ngunit para sa buong taon ng pag-aaral upang masubaybayan ang progreso ng kanilang anak at matiyak na naibibigay ang mga serbisyo ng IEP.

https://sites.ed.gov/idea/files/policy_speced_guid_idea_memosdcltrs_iep-translation-06-14-2016.pdf

Kung kailangan mo ng naka-translate na kopya ng IEP team ng iyong anak, makipag-ugnayan sa kagawaran ng special education sa distrito ng paaralan ng iyong anak.  

Kung mayroon kang tanong o alalahanin, pakitawagan kami sa Office of the Education Ombuds (OEO, Tanggapan ng Opisyal sa Edukasyon) at susubukan naming makatulong.