Paglutas ng Di-pagkakaunawaan sa Espesyal na Edukasyon
Na-update noong Hunyo, 2024
Ano ang puwede kong gawin upang malutas ang di-pagkakaunawaan sa distrito ng paaralan?
Makipagpulong sa distrito, humiling ng pamamagitan, magreklamo o magpatala para sa isang pagdinig ukol sa due process.
Habang itinataguyod ang kapakanan ng iyong estudyanteng may kapansanan, maaaring hindi kayo magkasundo ng distrito ng paaralan. Hangga't maaari, makabubuti kung susubukan mong lutasin ang problema sa tulong ng pakikipag-usap sa mga miyembro ng Pangkat para sa Individualized Education Program (IEP, Pang-indibidwal na Programa sa Edukasyon) o iba pang opisyal sa distrito ng paaralan. Kung hindi gagana ang diskarteng iyon, may ilang pamamaraang itinakda ang batas para sa paglutas ng mga di-pagkakaunawaan.
Mayroong mga pormal na proseso ng pagrereklamo, pamamagitan, at mga pagdinig ukol sa due process na nakalaan para sa mga magulang at paaralan upang malutas ang mga di-pagkakaunawaan tungkol sa espesyal na edukasyon, kasama na rito ang mga di-pagkakasundo tungkol sa:
- Pagkilala sa isang estudyante bilang may kapansanan
- Paggawa ng ebalwasyon sa isang estudyante
- Paghahatid ng mga serbisyo para sa espesyal na edukasyon
- Pagsasalugar sa paaralan ng isang bata.
Mga Reklamo
Mayroong dalawang pormal na proseso ng pagrereklamo na magagamit kung may di-pagkakasundo tungkol sa programa sa espesyal na edukasyon (Individuals with Disability Education Act (IDEA, Batas sa Edukasyon ng mga Indibidwal na may Kapansanan) o 504) ng isang estudyante.
- Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon sa Office of the Superintendent of Public Instruction ng Estado ng Washington.
Ano ang Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon?
Ang Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon, na dating tinatawag na Reklamo ng Mamamayan, ay isang paraan upang malutas ang mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga estudyante at distrito sa tulong ng isang panlabas na ahensiya. Ang mga reklamo ng komunidad ay dapat ihain sa Office of the Superintendent of Public Instruction (OSPI, Tanggapan ng Tagapamahala ng Pagtuturo sa Publiko) kapag naniniwala ang isang tao na nilabag ng isang pang-edukasyong entidad (kasama na rito ang estado, isang distrito ng paaralan, o isang pampubliko o pribadong paaralan) ang mga kinakailangan sa IDEA o mga regulasyon sa espesyal na edukasyon ng estado.
Sino ang puwedeng maghain ng Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon?
Ang sinumang tao o organisasyon ay puwedeng magrehistro ng reklamo sa Office of the Superintendent of Public Instruction.
Ano ang mga kinakailangan para sa Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon?
Ang reklamo ay dapat:
- Nakasulat
- May lagda ng taong nagrereklamo
- May kasamang pahayag na nilabag ng pang-edukasyong entidad ang batas para sa espesyal na edukasyon sa loob ng nakaraang taon
- Nagpapahayag sa mga katotohanan tungkol sa paglabag
- Naglilista sa pangalan at address ng taong nagrereklamo at
- Naglilista sa pangalan at address ng pang-edukasyong entidad.
Kung ang reklamo ay tungkol sa isang partikular na estudyante, dapat ding isama sa reklamo ang:
-
- Pangalan ng estudyante
- Pangalan ng distrito ng paaralan ng estudyante
- Paglalarawan sa isyung nakaaapekto sa estudyante
- Panukalang resolusyon sa problema.
Saan makikita ang form para sa Reklamo ng Komunidad?
Gumawa ang OSPI ng opsiyonal na form na magagamit kapag naghahain ng Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon. Makikita ang form sa: https://ospi.k12.wa.us/student-success/special-education/dispute-resolution/file-community-complaint
Saan ka puwedeng makagawa ng epekto?
Kapag gumawa ka ng reklamo ng komunidad, siguruhing babantayan mo nang mabuti ang mga iskedyul. Kung mabibigo ang OSPI o ang pang-edukasyong entidad na kumilos sa loob ng angkop na panahon, may batayan ka upang maghain ng isa pang reklamo.
Siguruhing isasama mo sa iyong reklamo ang may kinalamang talaan ng paaralan na may mga pahinang de-numero upang mas madaling magamit ang talaan bilang sanggunian
Ano ang mangyayari pagkatapos maihain ang Reklamo ng Komunidad para sa Espesyal na Edukasyon?
Kapag natanggap na ng OSPI ang reklamo, dapat itong magpadala ng kopya ng reklamo sa distrito ng paaralan. Sa loob ng 20 araw sa kalendaryo mula nang matanggap ang reklamo, dapat siyasatin ng distrito ng paaralan ang reklamo at magpadala ng nakasulat na sagot sa OSPI. Magpapadala sa iyo ang OSPI ng kopya ng sagot ng distrito ng paaralan. Pagkatapos, magkakaroon ka ng opsiyong magsumite ng karagdagang impormasyon tungkol sa reklamo.
Sa loob ng 60 araw sa kalendaryo, dapat gumawa ang OSPI ng independiyente at nakasulat na pagpapasya kung lumalabag ang pang-edukasyong entidad sa pederal o pang-estadong batas para sa espesyal na edukasyon. Kasama dapat sa pagpapasya ang mga natuklasang katotohanan at makatwirang hakbang na kailangan upang malutas ang reklamo. Puwede pang mapalawig ang iskedyul na ito kung:
1) may umiiral na mga pambihirang sitwasyon kaugnay ng reklamo o
2) nagkasundo ang nagrereklamo at ang pang-edukasyong entidad sa isang sulat na palawigin pa ang iskedyul upang magkaroon ng pamamagitan o gumamit ng iba pang pamamaraan sa paglutas ng di-pagkakaunawaan.
Pagkatapos, dapat sundin ng distrito ng paaralan ang mga iskedyul na nakalagay sa nakasulat na pagpapasya ng OSPI upang maisagawa ang anumang inirerekomendang pangwastong kilos. Kung hindi makasusunod ang distrito ng paaralan, puwedeng itigil ng OSPI ang pagpopondo sa distrito o mag-atas ng iba pang mga resolusyon.
Kung mapagpapasyahang nabigo ang distrito ng paaralan na magbigay ng mga angkop na serbisyo sa isang estudyanteng may mga kapansanan, ang OSPI ay dapat:
- Magpasya kung paano makababawi ang distrito ng paaralan para sa pagtanggi sa mga serbisyo, kasama na rito ang pagbabayad ng pera o paggawa ng iba pang pangwastong kilos upang matugunan ang mga pangangailangan ng estudyante
- Makatugon sa pagbibigay ng mga serbisyo sa hinaharap para sa lahat ng estudyanteng may mga kapansanan.
Saan ako puwede makakita ng iba pang impormasyon tungkol sa reklamo ng komunidad ng OSPI?
- https://ospi.k12.wa.us/student-success/special-education/dispute-resolution/file-community-complaint
- Reklamo sa Mga Karapatang Sibil sa Office of Civil Rights for the Department of Education ng Estados Unidos
Ano ang reklamo sa mga karapatang sibil?
Ang Seksiyon 504 ay isang batas laban sa diskriminasyon na naghahangad na puksain ang diskriminasyon batay sa kapansanan sa lahat ng programang tumatanggap ng mga pederal na pondo. Dahil tumatanggap ng pederal na pera ang mga pampublikong paaralan at distrito, ipinapataw sa mga ito ang mga kinakailangan para sa Seksiyon 504.
Ipinatutupad ng Office for Civil Rights (OCR, Tanggapan para sa Mga Karapatang Sibil) ng U.S. para sa Department of Education (Kagawaran ng Edukasyon) ng U.S. ang mga proteksiyon ng Seksiyon 504, at tungkulin nito na magsiyasat ng mga reklamo.
Sino ang puwedeng maghain ng reklamo sa mga karapatang sibil?
Puwedeng maghain ng reklamo ang kahit sino sa Office of Civil Rights ng U.S. sa tuwing hindi nakatatanggap ang isang estudyanteng may mga kapansanan ng benepisyong pang-edukasyon mula sa isang programa na maihahambing sa benepisyong natatanggap ng mga kaedaran niyang walang kapansanan. Ang halimbawa nito ay kapag ang isang estudyanteng may kapansanan sa pag-uugali ay sinabihang hindi siya puwedeng sumama sa mga field trip at dapat siyang manatili sa tanggapan ng punong-guro habang nasa field trip ang buong klase. Puwedeng kasama rin sa mga reklamo sa OCR ang mga isyu sa access, gaya ng kawalan ng rampa para sa isang batang naka-wheelchair o pagkabigo ng distrito na maglaan ng mga akomodasyon o serbisyong kasama dapat o kasama sa 504 plan ng isang estudyante.
Ano ang mga kinakailangan para sa reklamo sa mga karapatang sibil?
Dapat ihain ang isang reklamo sa mga karapatang sibil sa loob ng 180 araw sa kalendaryo (6 na buwan) mula sa petsa ng diskriminasyon. Kasama dapat sa reklamo ang:
► Pangalan, address, at numero ng telepono ng taong naghahain nito
► Pangalan, address, at numero ng telepono ng (mga) taong ginawan ng diskriminasyon
► Pangalan at address ng paaralan, distrito, o taong gumawa ng diskriminasyon
► Batayan ng diskriminasyon (lahi, kapansanan, bansang pinagmulan, atbp.)
► Kung kailan at saan nangyari ang diskriminasyon
► Mga katotohanan tungkol sa diskriminasyon at
► Mga kopya ng nakasulat na materyales, datos, o iba pang dokumentong sumusuporta sa reklamo.
Saan maghahain ng Reklamo sa Karapatang Sibil sa OCR?
Upang makapaghain ng reklamo sa OCR, puwede mong gamitin ang elektronikong form ng reklamo na makikita sa: https://www2.ed.gov/about/offices/list/ocr/complaintintro.html
o sagutan ang napupunang form sa: https://www2.ed.gov/about/offices/list/ocr/complaintform.pdf
Kung pipiliin mo mang magsagot ng napupunang form o magsulat ng iyong sariling liham, puwede mong ipadala ang iyong reklamo sa pag-email sa OCR.Seattle@ed.gov o sa pag-fax sa (206)607-1601. Puwede mo ring ipadala ang iyong reklamo sa pag-email sa:
Office for Civil Rights
U.S. Department of Education
915 2nd Avenue #3310
Seattle, WA 981074-1099.
Ano ang mangyayari pagkatapos maihain ang reklamo sa mga karapatang sibil?
Susuriin ng OCR ang impormasyon sa reklamo at magpapasya ito kung itutuloy pa o hindi ang pagproseso sa reklamo. Dapat nitong alamin kung may awtoridad itong siyasatin ang reklamo at kung naisumite o hindi ang reklamo sa tamang oras. Dapat ihain ang isang reklamo sa loob ng 180 araw sa kalendaryo pagkatapos ng petsa ng hinihinalang kilos ng diskriminasyon.
Hihilingin sa iyo ng OCR na lagdaan mo ang isang form ng pahintulot bilang bahagi ng proseso. Makikipag-ugnayan sa iyo ang OCR sa email o telepono kung hindi matatanggap ang form na ito hanggang sa ika-15 araw mula noong hiniling sa iyo na lumagda ka at ipaaalam sa iyo na may 5 ka pang araw upang lagdaan ang form. Maaari ding hilingin sa iyo na magbigay ka ng karagdagang impormasyon. Kung kailangan ng iba pang impormasyon, dapat kang bigyan ng OCR ng hindi bababa sa 20 araw upang maibigay ang hinihinging impormasyon.
Kapag tapos na ang OCR sa pagsisiyasat nito, tatanggap ka at ang distrito ng Liham tungkol sa Napag-alaman na magpapaliwanag kung may nangyari ngang paglabag batay sa ebidensiya. Kung mapag-alaman ng OCR na hindi nakasunod sa batas ang distrito, makikipag-ugnayan ito sa distrito upang alamin kung handa ang distrito na pumasok sa isang boluntaryong pakikipagkasundo bilang resolusyon. Kung hindi sang-ayon ang distrito na lutasin ang isyu, maaaring gumawa ang OCR ng dagdag pang kilos gaya ng pagdulog sa kaso sa Department of Justice (Kagawaran ng Katarungan).
Kung sa tingin mo ay nilalabag ng distrito ang karapatan ng isang estudyante para sa angkop na karanasan sa pag-aaral, pag-isipang maghain ng reklamo.
Pamamagitan
Ano ang pamamagitan?
Ang pamamagitan ay isang uri ng paglutas ng di-pagkakaunawaan. Sa ilalim ng IDEA, inaatasan ang mga estado na magbigay ng mga libreng serbisyo ng pamamagitan sa mga magulang/tagapag-alaga at distrito ng paaralan upang malutas ang mga pagtatalo tungkol sa programa sa espesyal na edukasyon ng isang estudyante.
Sa proseso ng pamamagitan, pinagsasama ang magulang o tagapag-alaga at ang isang walang kinikilingang ikatlong tao—ang tagapamagitan. Makikipagpulong ang tagapamagitan sa parehong panig upang subukang makabuo ng katanggap-tanggap na kasunduan tungkol sa mga pangangailangan sa pag-aaral ng isang estudyante. Boluntaryo ang proseso, kaya kailangang sumang-ayong lumahok ang parehong magulang o tagapag-alaga at distrito ng paaralan. Puwedeng isang mahusay na paraan ang pamamagitan upang mapabuti ang mga serbisyo para sa isang estudyante, lutasin ang pagtatalo, at ayusin ang mga ugnayan sa pagitan ng paaralan at magulang o tagapag-alaga.
Kung matagumpay ang pamamagitan, lalagda ang mga partido sa isang kasunduang may bisa sa ilalim ng batas na nagpapahayag sa resolusyon. Tungkulin ng paaralan at magulang o tagapag-alaga na tuparin ang mga tuntunin ng kasunduan. Kapag nakagawa na ng kasunduan mula sa pamamagitan, aalis na sa eksena ang tagapamagitan at wala siyang kapangyarihang puwersahin ang alinmang panig upang pagawain ng kahit ano. Kung magkakaroon ng pagtatalo sa kasunduan mula sa pamamagitan, puwedeng hangarin ng magulang o tagapag-alaga na maipatupad ito sa pang-estado o pederal na hukuman. Kung may mangyaring bago o ibang pagtatalo, puwedeng gamitin ng magulang o tagapag-alaga o distrito ang lahat ng paraan ng paglutas ng di-pagkakaunawaan na ipinaiiral sa ilalim ng batas.
Ang mga hiling para sa pamamagitan ay dapat gawin sa Sound Options. Puwede kang humiling sa isang sulat o sa telepono. Puwedeng makipag-ugnayan ang alinmang partido sa Sound Options, at sila ang makikipag-ugnayan sa kabilang partido. Puwede mong makaugnayan ang Sound Options sa 1-800-692-2540.
Tip sa Adbokasiya
Ang pagsang-ayong lumahok sa pamamagitan ay hindi makapipigil sa iyo na humiling sa ibang pagkakataon ng pagdinig ukol sa due process. Puwede mong ipahinto ang proseso ng pamamagitan kahit kailan at puwede ka pa ring humiling ng pagdinig ukol sa due process. Pero ang isang limitasyon kapag sa ibang pagkakataon pa gagawin ang pagdinig ukol sa due process ay hindi puwedeng gamitin bilang ebidensiya ang mga pag-uusap na nangyari habang nasa proseso ng pamamagitan. Gayunman, puwedeng gamitin bilang ebidensiya ang nakasulat na kasunduan mula sa pamamagitan.
Mga Pagdinig Ukol sa Due Process
Ano ang pagdinig ukol sa due process?
Ang pagdinig ukol sa due process ay isang pormal na administratibong proseso, na maihahalintulad sa paglilitis. Ang magulang o tagapag-alaga at ang distrito ng paaralan ay may kani-kaniyang pagkakataong maglahad ng mga ebidensiya at saksi at siyasatin ang mga saksing ilalahad ng kabilang panig.
Gagawa ang isang opisyal na tagapagdinig ng nakasulat na pagpapasya batay sa mga katotohanan at sa batas.
Kailangan ko ba ng abogado para sa pagdinig ukol sa due process?
Hindi, pero may karapatan kang maikatawan ng isang abogado kung nanaisin mo.
Ang magulang o tagapag-alaga ng isang estudyanteng may kapansanan ay puwedeng mapayuhan o maikatawan ng isang abogado sa isang pagdinig ukol sa due process. Hindi kinakailangang magkaroon ng abogado, at puwede kang magtagumpay sa isang pagdinig kahit na wala kang abogado. Kadalasang makabubuti kung kokonsulta sa isang abogado o iba pang taong may kaalaman na makatutulong sa paghiling at paghahanda para sa pagdinig.
Paano ako hihiling ng pagdinig ukol sa due process?
Magpadala ng nakasulat na hiling sa Office of Administrative Hearings (Tanggapan ng mga Administratibong Pagdinig) at abisuhan ang distrito ng paaralan.
Ang hiling para sa pagdinig ukol sa due process ay nakasulat at naglalaman dapat ng sumusunod na impormasyon:
- Pangalan at address ng estudyante
- Distrito at paaralang pinapasukan ng estudyante
- Distritong may tungkuling magbigay ng mga serbisyo para sa espesyal na edukasyon kung iba ito sa distritong pinapasukan ng estudyante
- Paliwanag tungkol sa mga alalahanin ng magulang
- Mga mungkahi mo para sa paglutas sa problema.
Magpadala o maghatid ng kopya ng iyong hiling sa pagdinig sa:
Office of Administrative Hearings
P.O. Box 42489
Olympia, WA 98504
Dapat mo ring ibigay sa distrito ng paaralan ang orihinal na hiling sa pagdinig na ihahatid o ipadadala sa Superintendent ng distrito ng paaralan. Huwag kalimutang magtabi ng sariling kopya!
Gumawa ang OSPI ng form para sa paghiling ng pagdinig ukol sa due process upang matulungan ang mga magulang sa paghiling ng pagdinig ukol sa due process. Makikita ang form na ito sa: https://ospi.k12.wa.us/student-success/special-education/dispute-resolution/request-due-process-hearing
Ano ang mga limitasyon para sa hiling sa pagdinig?
Ang hiling sa pagdinig ay dapat ipatungkol sa isang paglabag o isyung naganap sa loob ng nakalipas na dalawang taon. Ang hiling sa pagdinig ukol sa due process ay puwedeng ipatungkol sa isang paglabag na nangyari nang mahigit dalawang taon na ang nakalilipas kung matutugunan ang isa sa dalawang kondisyon:
- Hindi nakahiling ang magulang ng pagdinig ukol sa due process sa loob ng dalawang taon dahil di-wastong ipinahayag ng distrito ng paaralan na nalutas na nito ang problema
O
- Hindi nakahiling ang magulang ng pagdinig ukol sa due process sa loob ng dalawang taon dahil hindi ibinigay ng distrito ng paaralan ang impormasyong naibahagi dapat nito alinsunod sa batas.
Napakahalagang matalakay sa isang hiling sa pagdinig ang lahat ng posibleng isyu at alalahaning mayroon ang isang magulang. Kapag natanggap na ang hiling, puwede lang itong baguhin kung sasang-ayon ang distrito ng paaralan sa isang sulat o kung sasang-ayon ang opisyal na tagapagdinig na puwede itong amyendahan, at kung magsisimula ulit ang mga iskedyul para sa sesyon ng resolusyon (tingnan sa ibaba).
Gayundin, sa ilalim ng IDEA, ang mga isyu lang na idinulong sa hiling sa pagdinig o sa isang pag-amyenda sa hiling ang puwedeng tugunan sa pagdinig ukol sa due process maliban kung sasang-ayon ang kabilang partido. Bagaman hindi mo kinakailangang magkaroon ng abogado upang humiling ng pagdinig ukol sa due process, maaaring makatulong kung kokonsulta sa isang abogado kapag dina-draft ang hiling sa pagdinig ukol sa due process upang siguruhing maidudulog ang lahat ng iyong alalahanin.
Ano ang mangyayari pagkatapos kong magsumite ng hiling para sa pagdinig ukol sa due process?
Dapat sumagot ang distrito ng paaralan.
Sa loob ng 10 araw sa kalendaryo mula nang matanggap ang reklamo ng magulang, dapat itong sagutin ng distrito ng paaralan. Dapat ipaliwanag ng distrito ng paaralan kung bakit nito ginawa ang kilos na ginawa nito, kung anupamang ibang opsiyon ang isinaalang-alang ng IEP Team at kung bakit tinanggihan ang mga ito, ang paglalarawan sa impormasyong pinagbatayan ng distrito sa pagpapasya nito at impormasyon tungkol sa anupamang ibang salik na may kinalaman sa pagpapasya ng distrito. Hindi kailangan ng distrito ng paaralan na sumagot kung nagpadala na ito ng paunang nakasulat na abiso sa magulang tungkol sa paksa ng reklamo.
Ano ang sesyon para sa resolusyon?
Ang sesyon para sa resolusyon ay isang pulong na nagaganap pagkatapos humiling ng pagdinig ukol sa due process, pero bago ganapin ang pagdinig ukol sa due process.
Sa loob ng 15 araw sa kalendaryo mula nang matanggap ang hiling sa pagdinig ukol sa due process mula sa magulang, dapat magpatawag ang distrito ng paaralan ng isang pulong kasama ang magulang, mga may kinalamang miyembro ng IEP Team, at isang kinatawan ng distrito ng paaralan na may awtoridad na magpasya. Hindi puwedeng magsama ng abogado ang distrito ng paaralan sa pulong na ito maliban kung may abogado rin ang magulang. Ang hangarin sa pagpupulong na ito ay upang matalakay ang reklamo at malaman kung puwedeng mapagkasunduan ang isyu kahit wala nang pagdinig ukol sa due process.
Kung magkakasundo ang magulang at ang distrito ng paaralan sa sesyon para sa resolusyon, dapat silang lumagda sa isang kasunduang may bisa sa ilalim ng batas na maipatutupad sa hukuman. Ang distrito ng paaralan o ang magulang ay mayroong tatlong araw ng negosyo upang magbago ng isip at kanselahin ang kasunduan.
Dapat isagawa ang sesyon para sa resolusyon maliban kung parehong sasang-ayon ang magulang at ang distrito ng paaralan sa isang sulat na isusuko nila ang pulong o magkakaroon na lang ng pamamagitan.
Gaano katagal ang proseso ng pagdinig ukol sa due process?
Ang distrito ng paaralan ay may 30 araw sa kalendaryo mula sa panahong natanggap nito ang reklamo upang subukang lutasin ang isyu ayon sa ikasisiya ng magulang habang nasa proseso ng resolusyon. Kung hindi ito gagawin ng distrito sa loob ng 30 araw sa kalendaryo, mag-uumpisa na ang mga iskedyul ng pagdinig ukol sa due process. Dapat isagawa ang pagdinig at makapagpasya sa loob ng 45 araw sa kalendaryo.
Ang panahon ng resolusyon na binubuo ng 30 araw sa kalendaryo ay babaguhin kung mangyayari ang isa sa mga sumusunod:
- Sasang-ayon ang parehong partido sa isang sulat na iwawaksi nila ang sesyon para sa resolusyon
- Pagkatapos ng pamamagitan o sesyon para sa resolusyon, sasang-ayon ang parehong partido sa isang sulat na imposibleng magkaroon ng kasunduan o
- Sumang-ayon ang mga partido na lumahok sa pamamagitan nang lampas na sa 30 araw na sesyon para sa resolusyon at umalis sa pamamagitan ang isang partido. Sa mga ganoong sitwasyon, agad na mag-uumpisa ang iskedyul na binubuo ng 45 araw sa kalendaryo.
Ang panahong itatagal ng mismong pagdinig ay dedepende sa kung ano ang mga isyu at kung gaano katagal aabutin ang paglalahad sa kaso para sa magkabilang panig.
Napakahalaga ng sesyon para sa resolusyon. Kung hindi handa ang isang magulang na lumahok sa sesyon para sa resolusyon, maaantala ang mga iskedyul para sa pulong para sa resolusyon at pagdinig ukol sa due process hanggang sa isagawa na ang pulong. Bukod pa rito, maaaring hilingin ng distrito ng paaralan sa isang opisyal na tagapagdinig sa pagtatapos ng 30 araw na panahon ng resolusyon na balewalain ang hiling sa pagdinig ukol sa due process ng magulang kung tatanggi ang magulang na lumahok sa pulong para sa resolusyon. Sa kabilang banda, kung mabibigo ang distrito ng paaralan na mag-iskedyul ng pulong para sa resolusyon sa loob ng 15 araw mula nang matanggap ang hiling sa pagdinig, maaaring hilingin ng magulang sa opisyal na tagapagdinig na agad nang umpisahan ang 45 araw na panahon ng pagdinig ukol sa due process.
Mga Iskedyul ng Pagdinig Ukol sa Due Process
Hihiling ang magulang ng pagdinig ukol sa due process sa isang sulat |
Sasagot ang distrito sa loob ng 10 araw sa kalendaryo |
Mag-iiskedyul ang distrito ng sesyon para sa resolusyon sa loob ng 15 araw sa kalendaryo, maliban kung isusuko ito sa isang sulat |
Kung hindi malulutas sa sesyon para sa resolusyon ang reklamo sa loob ng 30 araw sa kalendaryo, magpapatuloy ang pagdinig ukol sa due process at pagpapasyahan ang pagdinig sa loob ng 45 araw sa kalendaryo |
Ano ang ibig sabihin ng “pananatili?” Saang paaralan papasok ang aking estudyante kapag humiling ako ng pagdinig?
Ang pananatili ay isang terminong ginagamit sa IDEA upang ilarawan kung saang paaralan papasok ang isang estudyante kapag humiling ng pagdinig. Kung hihiling ng pagdinig, magkakaroon ang estudyante ng karapatang patuloy na matanggap ang kaniyang individualized education program sa dati pa ring lugar hanggang sa matapos na ang pagdinig at mapagpasyahan na ito. Mayroong ilang eksepsiyon sa pananatili na ipinapataw kapag dinidisiplina ang mga estudyanteng may mga kapansanan.
Ano ang makakamit sa pagdinig ukol sa due process para sa aking estudyante?
Puwedeng maatasan ang distrito na magbigay ng mga serbisyo, bigyan ang estudyante ng edukasyong pangkompensasyon, at bayaran ang mga legal na bayarin ng magulang.
Ang isang pagdinig ukol sa due process ay makatutulong sa estudyante na makuha ang mga angkop na serbisyo at makabawi para sa edukasyong nawala dahil sa mga pagkabigo ng distrito. Puwedeng makatulong ang isang opisyal na tagapagdinig na malutas ang mga di-pagkakasundo tungkol sa kalipikasyon ng isang estudyante, IEP, mga pagbabago sa mga lugar ng pag-aaral, at ebalwasyon at pag-uulit ng ebalwasyon.
Puwede ring mag-atas ang opisyal na tagapagdinig ng edukasyong pangkompensasyon, na ang ibig sabihin ay dapat magbigay ang distrito ng mga serbisyo upang makabawi para sa mga panahon o pagkakataong nawala dahil sa mga pagkabigo ng distrito. Halimbawa, maaaring iatas sa distrito na bayaran ang paglahok ng estudyante sa isang kurso sa kolehiyong pangkomunidad, magtalaga ng tutor bukod pa sa programa ng espesyal na edukasyon, o maglaan ng mga summer program, kahit na hindi kalipikado ang estudyante para sa mga serbisyo ng pinalawig na taong pampaaralan.
Ang mga hiling para sa edukasyong pangkompensasyon ay kailangang may kinalaman sa mga layunin at mithiin ng IEP. Maging malikhain kapag humihiling ng mga serbisyo para sa edukasyong pangkompensasyon. Isipin kung ano ang gustong gawin ng estudyante (sining, musika, agham, atbp.) at magmungkahi ng programa o mga serbisyong nagbibigay ng mga ganitong karanasan.
Kung mananalo ka sa pagdinig, maaaring kailangan ng distrito na bayaran ang mga gastusing naipon mo para sa pagdinig at ang mga bayaring sinisingil ng abogado upang maikatawan ka. Itala ang mga gastusing naipon mo sa paghahanda para sa pagdinig.