Ano ang Special Education?

Ano ang Special Education?

Ano ang Kapansanan?

 “Ang kapansanan ay natural na bahagi ng karanasan ng tao at hindi nito binabawasan, sa anumang paraan, ang karapatan ng mga indibiduwal na makilahok o mag-ambag sa lipunan.”

--Individuals with Disabilities Education Act (Batas sa Edukasyon ng Mga Indibiduwal na may Kapansanan),  20 U.S.C. §1400(c)

Maraming iba-ibang paraan kung paano binibigyang-kahulugan ng mga tao, at ng ating mga batas, ang salitang “kapansanan.”

Marami ring pananaw tungkol sa kapansanan batay sa iba-ibang kultura, at nagbago na ang pag-unawa natin sa kapansanan sa pagdaan ng panahon. Tingnan ang materyal na  One Out of Five: Disability History and Pride Project (Isa sa Lima: Proyekto sa Kasaysayan at Pride para sa Kapansanan) 

upang alamin pa ang tungkol sa kasaysayan ng kapansanan at sa pagbuo ng positibong pagkakakilanlan kaugnay ng kapansanan.

Para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, dalawang pederal na batas – ang Individuals with Disabilities Education Act, o “IDEA” at ang Section 504 ng Rehabilitation Act (Batas sa Rehabilitasyon), o “Section 504” – ang nagbibigay ng mga karapatan at proteksiyon sa mga mag-aaral na may kapansanan. Ang bawat isa sa mga batas na iyon ay may natatanging kahulugan para sa isang batang may kapansanan.

Kahulugan ng Kapansanan ayon sa IDEA

Nagbibigay ang IDEA sa mga kuwalipikadong mag-aaral ng karapatang magkaroon ng Individualized Education Program (IEP, Programa ng Edukasyon na Akma sa Indibiduwal). Inilalarawan nito ang isang “batang may kapansanan,” bilang batang sumailalim sa ebalwasyon, at napag-alamang:

  • May kapansanan ayon sa isa sa 14 na partikular na kategorya, at
  • Dahil sa kapansanan at sa isang masamang epekto sa pag-aaral,
  • kailangan ng special education at mga kaugnay na serbisyo.

Sa estado ng Washington, ang mga kategorya ng kapansanan at ang partikular na kahulugan ng bawat isa, ay nakalista sa mga regulasyon ng ating estado, sa Washington Administrative Code (Kodigong Administratibo ng Washington), sa WAC 392-172A-01035

Kasama sa mga ito ang:

  • Autism
  • Pagkabingi at pagkabulag
  • Pagkabingi
  • Atrasadong paglinang
  • Kapansanan kaugay ng emosyon/pag-uugali
  • Nahihirapang makarinig
  • Kapansanang intelektuwal
  • Maraming kapansanan
  • Pinsala sa buto, kasukasuan, o kalamnan
  • Iba pang kahinaan sa kalusugan
  • Partikular na kapansanan sa pagkatuto
  • Problema sa pananalita o wika
  • Traumatic brain injury (traumatic na pinsala sa utak)
  • Kahinaan ng paningin kasama na ang pagkabulag

Ang bawat isa sa mga kategoryang ito ay may partikular na kahulugan sa mga panuntunan para sa special education. Kung iniisip mo kung posibleng may kapansanan ang isang bata na nasa isa sa mga kategoryang ito, makakabuti kung babasahin mo ang mga partikular na kahulugan o magpapatulong ka sa isang tao para pag-aralan ang mga ito. Makikita ang mga kahulugan online sa  WAC 392-172A-01035, sa https://apps.leg.wa.gov/WAC/default.aspx?cite=392-172A&full=true#392-172A-01035.

Kung may isa sa mga kapansanang tinutukoy sa IDEA ang isang bata ngunit kailangan lang niya ng “kaugnay na serbisyo” o “mga akomodasyon” at hindi “special education,” hindi makukuwalipika ang mag-aaral para sa isang IEP pero maaaring kailangan niya ng Section 504 plan.

Kahulugan ng Kapansanan ayon sa Section 504

Pinagbabawalan ng Section 504 ang mga distrito ng paaralan na mandiskrimina ng mga taong may kapansanan. Inaatasan nito ang mga distrito na magbigay ng special education, mga akomodasyon, serbisyo o suportang kailangan ng isang mag-aaral upang patas na maka-access ng edukasyon. Inilalarawan nito ang isang mag-aaral na may kapansanan bilang mag-aaral na may:

  • Kahinaan sa katawan o isip na
  • Lubos na naglilimita sa
  • Isa o higit pang pangunahing aktibidad sa buhay.

Makakakita ka ng iba pang impormasyon tungkol sa Section 504 sa isang lupon ng Mga Madalas Itanong sa website ng U.S. Department of Education’s Office for Civil Rights (OCR, Tanggapan para sa Mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Edukasyon ng Estados Unidos), dito: https://www2.ed.gov/about/offices/list/ocr/504faq.html.

Mayroon ding impormasyon ang OCR na makikita online, na tumutugon sa “Ang Mga Karapatang Sibil ng Mga Mag-aaral na may Mga Nakatagong Kapansanan sa Ilalim ng Section 504 ng Rehabilitation Act (Batas sa Rehabilitasyon) ng 1973.” https://www2.ed.gov/about/offices/list/ocr/docs/hq5269.htmlIpinapakita nito ang iba't ibang kondisyong maaaring hindi agad mahalata ng iba ngunit maaari pa ring makaapekto sa isang mag-aaral sa paaralan.

Paano nagkakaugnay ang IDEA at Section 504?

Diagram of three concentric circles.  The largest circle represents all students.  Within it is a smaller circle representing 504 eligible students.  Within that is the smallest circle representing IDEA eligible students.

Sa ilalim ng dalawang batas, inaatasan ang mga distrito ng paaralan na magbigay sa mga mag-aaral na may kapansanan ng Free Appropriate Public Education (Libre at Angkop na Pampublikong Edukasyon), na tinatawag na FAPE.  Ibig sabihin, dapat magbigay ang mga distrito ng hanay ng mga serbisyong tutugon sa mga indibiduwal na pangangailangan ng mga mag-aaral na nahihirapang magtagumpay sa paaralan dahil sa kapansanan.

Nagbibigay ang Section 504 ng mga serbisyo sa mas malawak na grupo ng mga mag-aaral kaysa sa IDEA dahil mas malawak ang kahulugan nito ng “kapansanan.”  Kaya, kung natutugunan ng isang mag-aaral ang mga kailangan sa pagkuwalipika para sa IDEA at kuwalipikado siya para sa IEP, protektado rin ang mag-aaral sa ilalim ng Section 504. Ngunit, maraming mag-aaral ang protektado sa ilalim ng Section 504, at may Section 504 plan, ngunit hindi kailangan ng special education at hindi kuwalipikado para sa IEP sa ilalim ng IDEA. 

Ang isang paraan para pag-isipan ang ugnayan ng dalawang batas ay isipin ang lahat ng mag-aaral: una, ang ilan sa mga mag-aaral na iyon ay may kapansanan (Section 504); habang mas kaunti naman sa mga mag-aaral na iyon ang may kapansanan at nangangailangan ng special education (IDEA).

Ang nasa itaas ay larawang may malaking bilog na kumakatawan sa lahat ng mag-aaral. Ang bilog na may medium na sukat na nasa loob ng malaking bilog ay kumakatawan sa mga mag-aaral na may kapansanan at kuwalipikado para sa mga serbisyo ng Section 504.  Sa grupong iyon, kuwalipikado rin ang isang mas maliit na grupo para sa mga serbisyo sa ilalim ng IDEA. Ang pangunahing bagay na dapat tandaan tungkol sa graph na ito ay, bahagi rin ng malaking bilog ang mga mag-aaral sa mas maliliit na bilog: lahat ng mag-aaral. May mga karapatan sila na kapareho lang ng sa lahat ng mag-aaral, dagdag pa ang mga proteksiyon laban sa diskriminasyon dahil sa pagkakaroon ng kapansanan, kasama na ang access sa mga serbisyong kailangan nila upang makalahok sa paaralan.

Ang mga mag-aaral na protektado sa ilalim ng Section 504 at kuwalipikado para sa IEP ay karaniwang may isang IEP lang. Ang lahat ng nasa 504 plan ay dapat isama sa IEP, na kadalasang sa page ng mga akomodasyon o sa isang listahan ng mga kaugnay o karagdagang serbisyo o suporta.

Ang bawat batang kuwalipikado para sa IEP ay protektado rin sa ilalim ng Section 504. Bakit iyon mahagala?

Ipinagbabawal ng Section 504 ang diskriminasyon sa mga mag-aaral batay sa kapansanan. Maaaring mangyari ang diskriminasyon kapag hindi isinali sa isang programa ang mga kuwalipikado namang mag-aaral dahil lang sa may kapansanan sila, o kapag ginipit ang isang mag-aaral dahil sa kanyang kapansanan at hindi gumawa ang distrito ng mga makatuwirang hakbang upang tugunan ang panggigipit.

Kung naniniwala kang nadiskrimina ng distrito ang isang tao dahil sa kapansanan, maghanap ng iba pang impormasyon tungkol sa mga opsiyon para sa pormal na pagrereklamo sa aming page na Diskriminasyon.