Paano Nagsisimula ang isang Mag-aaral sa Special Education?
Paano nahahanap ng distrito ang mga mag-aaral na nangangailangan ng mga serbisyo ng special education?
Sa ilalim ng Individuals with Disabilities Education Act (IDEA, Batas sa Edukasyon ng Mga Indibiduwal na may Kapansanan) at batas sa special education ng estado, tungkulin ng mga distrito na tukuyin ang lahat ng mag-aaral na nakatira sa distrito na maaaring nangangailangan ng mga serbisyo ng special education. Ang tungkuling ito ay tinatawag na “Child Find (Paghahanap ng Bata).” Inaatasan ang mga distrito na magkaroon ng mga patakaran at pamamaraan para tiyaking matutukoy, matatagpuan, at masusuri ang mga mag-aaral na may kapansanan.
Paano masusuri ang anak ko para sa special education?
Kailangang i-refer ang iyong anak sa distrito ng paaralan para sa ebalwasyon sa special education. Upang makagawa ng ebalwasyon sa special education, kailangang magpasya ang distrito kung susuriin ang isang mag-aaral, at pagkatapos ay kukuha ito ng permiso o pahintulot mula sa magulang ng mag-aaral para isagawa ang ebalwasyon. Kailangang suriin ng mga distrito ng paaralan ang isang mag-aaral sa bawat larangang may kinalaman sa kanyang hinihinalang kapansanan. Kailangang gawin ang ebalwasyon nang walang babayaran ang mag-aaral o pamilya. May tatlong pangunahing hakbang upang makagawa ng ebalwasyon:
Hakbang 1 Hihilingin ng isang tao na suriin ang mag-aaral.
Hakbang 2 Magpapasya ang distrito kung kailangan ng ebalwasyon.
Hakbang 3 Ibibigay sa distrito ang pahintulot para magsuri.
Puwede ba akong humiling ng ebalwasyon sa special education para sa anak ko?
Sa ilalim ng batas ng Washington, maaaring mag-refer ng mag-aaral para sa ebalwasyon ang mga sumusunod na tao o entidad:
- Kahit sinong angkop sa kahulugan ng magulang
- Distrito ng paaralan
- Iba pang pampublikong ahensiya
- Iba pang taong may sapat na kaalaman tungkol sa bata.
Paano ako gagawa ng referral para sa ebalwasyon?
1. Gumawa ng sulat para dito. Kailangang nakasulat ang referral, maliban na lang kung hindi nakakapagsulat ang taong gagawa ng referral. Maaaring nakasulat-kamay lang ito at simple. Siguruhing lalagyan ito ng petsa at magtatabi ng kopya para sa iyong rekord.
2. Huwag mag-alala kung hindi perpekto ang sulat para sa referral. Ang mas mahalaga ay magawa mo ito sa lalong madaling panahon. Walang mangyayari hangga't wala pang nagagawang referral, at ang petsa kung kailan matatanggap ng distrito ang referral ay ang magtatakda sa timeline kung kailan dapat kumilos ang distrito.
3. Hilinging suriin ng paaralan ang pagkuwalipika para sa IDEA at sa Section 504. Kung hindi man kuwalipikado ang mag-aaral para sa special education sa ilalim ng IDEA, maaaring kuwalipikado pa rin siyang makatanggap ng mga serbisyo sa ilalim ng Section 504.
4. Maging partikular tungkol sa kung anong mga uri ng problema ang sa tingin mo ay nararanasan ng iyong anak. Inaatasan ang mga distrito na i-test ang lahat ng larangang may kinalaman sa hinihinalang kapansanan ng mag-aaral, kaya siguruhing ilalarawan mo ang lahat ng problema. Halimbawa, kung sa tingin mo ay nahihirapang magbasa at may mga problema sa larangang emosyonal ang iyong anak na kailangang matugunan, ipasuri ang parehong larangan.
5. Gumamit ng mga halimbawa. Isama ang iyong mga sariling obserbasyong maglalarawan kung bakit sa tingin mo ay posibleng may kapansanan ang iyong anak. Kung mayroon kang mga dokumentong nagpapahayag na posibleng may kahinaan ang iyong anak, gaya ng sulat mula sa doktor o provider para sa kalusugan ng pag-iisip, ibigay ang mga ito.
6. Ipadala ang referral sa isang tao sa paaralan o distrito na sa tingin mo ay may awtoridad at mabilis na kikilos. Bagamat walang tinutukoy ang batas na partikular na tao o tanggapan kung kanino o saan dapat ipadala ang referral, makakabuti kung ipapadala mo ito sa isang taong sa tingin mo ay kikilos para dito. Halimbawa, maaari mong ipadala ang iyong sulat para sa referral sa punong-guro ng paaralan o sa direktor ng special education ng distrito.
Ano ang mangyayari pagkatanggap ng distrito sa referral para sa ebalwasyon sa special education?
Magkakaroon ang distrito ng 25 araw na may pasok sa paaralan, upang magpasya kung susuriin ang mag-aaral. (Walang timeline para sa ebalwasyon sa Section 504. Kung ang distrito ay walang patakaran sa ebalwasyon sa 504, gamitin ang timeline para sa IDEA bilang gabay.) Para sa pagpapasya ng distrito kung magsusuri o hindi, dapat nitong pag-aralan ang anumang kasalukuyang rekord na pang-edukasyon at medikal na nakadokumento sa paaralan o ibinigay ng magulang o tagapag-alaga. Kapag nakapagpasya na ang distrito kung magsusuri o hindi, kailangang magpadala ang distrito sa magulang o tagapag-alaga ng nakasulat na notipikasyon tungkol sa pasya. Kung magpasya man ang distrito na hindi magsuri, puwede mong tutulan ang pasya. Tingnan ang Seksiyon VII ng lathalaing ito para sa paglalarawan sa iba't ibang paraan para sa paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa distrito.
Anong pahintulot ang kailangan ng distrito para gawin ang ebalwasyon?
Bago masuri ng distrito ang bata sa unang pagkakataon, kailangan muna nitong humingi ng permiso mula sa magulang. Kung tatanggi ang magulang, maaaring humiling ang distrito ng pagdinig para mabalewala ang pagtanggi ng magulang.
Ano ang mangyayari kapag nakakuha na ng pahintulot ang distrito para gawin ang ebalwasyon?
Magkakaroon ang distrito ng paaralan ng 35 araw na may pasok sa paaralan, upang masuri ang mag-aaral. Ayon sa batas ng Washington, kapag may permiso na ang distrito para suriin ang pagkuwalipika para sa special education, magkakaroon ito ng 35 araw na may pasok sa paaralan upang:
- Ganap na masuri ang mag-aaral
- Magpasya kung may kapansanan ang mag-aaral
- Alamin kung kailangan niya ng mga serbisyo ng special education.
Maaari ding magkasundo ang Distrito at ang magulang sa iba pang timeframe, hangga't maisasadokumento ng Distrito ang pagsang-ayon ng magulang. Halimbawa, maaaring sumang-ayon ang magulang na palawigin ang timeline para hintayin ang mga resulta ng isang independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon. Ipagpapaliban ang timeline na may 35 araw na may pasok sa paaralan kung paulit-ulit na tatanggi ang magulang na dalhin ang anak sa ebalwasyon o kung lilipat ang bata sa ibang distrito sa panahon ng pagtatasa, hangga't nakakagawa ng sapat na progreso ang bagong distrito upang tiyaking matatapos sa oras ang ebalwasyon at may mapagkakasunduang timeline ang magulang at ang bagong distrito para sa pagtapos sa ebalwasyon.
Timeline para sa Ebalwasyon ng Estado ng Washington
Referral para sa ebalwasyon sa special education -> Magkakaroon ng 25 araw na may pasok sa paaralan, upang magpasya kung susuriin ang mag-aaral -> Nakasulat na pahintulot ng magulang para sa ebalwasyon -> Magkakaroon ng 35 araw na may pasok sa paaralan, upang tapusin ang ebalwasyon
Ano ang mangyayari kung lilipat ng lugar ang anak ko habang nasa proseso ng ebalwasyon?
Kung lilipat ang mag-aaral sa ibang distrito sa loob ng isang akademikong taon, kailangang magtulungan agad hangga't maaari ang dati at bagong paaralan ng mag-aaral upang tiyaking matatapos sa oras ang mga ebalwasyon sa special education. Ayon sa batas ng Estado ng Washington, kailangang simulang kunin ng bagong distrito ang mga rekord ng mag-aaral kapag in-enroll na ang mag-aaral, at kailangan namang ibigay ng dating distrito ng paaralan ng mag-aaral ang mahahalagang impormasyon sa loob ng 2 araw na may pasok sa paaralan at ang mga rekord sa paaralan sa lalong madaling panahon.
Ano ang saklaw ng ebalwasyon sa special education?
Dapat suriin ng distrito ang bata sa lahat ng larangan kung saan siya hinihinalang may kapansanan. May dalawang layunin ang ebalwasyon sa special education: 1) upang alamin kung kuwalipikado para sa mga serbisyo, at 2) upang tukuyin ang mga pangangailangan at kahusayan ng mag-aaral para makabuo ng programa sa edukasyon na akma sa indibiduwal. Napakahalagang masuri ng distrito ang LAHAT ng larangan ng hinihinalang kapansanan. Minsan, nagkakaproblema ang isang mag-aaral sa mahigit isang larangan. Maaaring ihinto ng distrito ang ebalwasyon kapag napag-alamang kuwalipikado ang mag-aaral para sa special education sa isang larangan. Kung para lang sa isang larangan ang ebalwasyon, maaaring kulang ang impormasyon tungkol sa lahat ng pangangailangan ng mag-aaral kapag dumating na ang panahon para bumuo ng programang akma sa indibiduwal. Upang makuha ang pinakaangkop na plano ng edukasyon para sa iyong anak, subaybayan nang mabuti ang mga pagsisikap sa ebalwasyon ng distrito upang siguruhing komprehensibo ang mga ito. Ipaalala sa distrito ang obligasyon nitong magsuri sa lahat ng larangan.
Anong mga larangan ang maaaring suriin at anong mga uri ng test ang gagamitin?
Maaaring suriin ng distrito ang isang bata sa mga sumusunod na larangan:
- Kalusugan (kalusugan ng katawan at isip)
- Paningin
- Pandinig
- Kalusugang panlipunan at emosyonal
- Pangkalahatang talino
- Pagganap sa akademiko
- Pakikipag-usap, pananalita, at wika
- Mga kakayahan sa paggalaw.
Dapat ay wasto at angkop ang mga test na gagamitin para sa ebalwasyon para sa larangang susuriin. Ibig sabihin, kailangang tumpak na masukat ng mga test ang mga bagay na layong sukatin ng mga ito. Halimbawa, ang Wechsler Intelligence Scale for Children IV (Wechsler na Scale ng Talino para sa Mga Bata IV) (na tinatawag na WISC IV) ay isang test na karaniwang ginagamit at ginawa para sukatin ang pangkalahatang talino. Sa karaniwan, hindi dapat gamitin ang mga resulta ng WISC IV upang tasahin ang katayuang emosyonal ng isang bata dahil hindi ito ginawa para sa layuning iyon. Kailangang piliin at pangasiwaan ang mga materyal ng test at ebalwasyon sa paraang hindi nandidiskrimina batay sa lahi, kultura, o kasarian. Bukod pa rito, dapat ibigay ang mga test at materyal sa mag-aaral sa katutubong wika ng mag-aaral o sa iba pang paraan ng pakikipag-usap (gaya ng sign language), maliban na lang kung hindi ito posibleng gawin. Ano ang magagawa mo? Magtanong tungkol sa mga pagsusuri. Bagamat maaaring nakakapanibago ang mga termino sa pagtatasa, sa pamamagitan ng pagtatanong, mauunawaan mo:
- Ang layunin ng test, at
- Kung mukhang akma sa iyong anak ang uri ng test.
Hilingin sa isang miyembro ng pangkat para sa pagtatasa na ipaliwanag sa iyo ang mga test sa simpleng salita. Siguruhing tumpak na masusukat ng test ang kakayahang kailangan nitong sukatin. Halimbawa, ang ilang test ay may kailangang edad, kasanayan sa pagbabasa, at kakayahan sa wika upang maituring na wasto ang mga resulta. Kung masyado pang bata ang iyong anak para sa isang partikular na test, kung hindi siya makapagbasa sa antas na kailangan para sa test, o kung hindi ibinigay ang test sa pangunahing wika ng anak mo, posibleng hindi maging kapaki-pakinabang at wasto ang mga resulta ng test.
Sino ang gagawa ng test?
Ang mga propesyonal na kuwalipikadong gumawa ng test sa larangan ng hinihinalang kapansanan. Maaaring magsagawa ng maraming test ang sikolohista sa paaralan. Ngunit may ilang larangan ng kapansanan na kailangan ng sikolohistang may espesyal na pagsasanay, psychiatrist, physical therapist/speech therapist, doktor sa medisina, o iba pang eksperto. Kung hindi makakagawa ng kumpletong ebalwasyon ang kawani ng distrito, maaaring kailangang magpatulong ng distrito sa ekspertong tagalabas na kukumpleto sa proseso ng ebalwasyon. Dapat bayaran ng distrito ang mga ebalwasyong ito na manggagaling sa labas. Maaaring itanong ng distrito kung may pribadong insurance o iba pang pondo ang mag-aaral o pamilya, na gagamiting pantustos para sa gastos sa mga ebalwasyong galing sa labas. Kung ayaw ipagamit ng mag-aaral o pamilya ang mga benepisyo ng insurance o iba pang pinagmumulan ng pondo, dapat pa ring asikasuhin at bayaran ng distrito ang test na galing sa labas na kailangan upang makumpleto ang ebalwasyon.
Ano pa ang ibang paraan para makalikom ang distrito ng impormasyon tungkol sa pagkuwalipika at pangangailangan para sa special education ng anak ko?
Kailangang gumamit ng distrito ng iba't ibang kasangkapan at estratehiya sa pagtatasa upang makalikom ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng pag-function, paglinang at akademiko tungkol sa mag-aaral. Maaaring kasama sa paglikom ng impormasyon ang pag-obserba sa mag-aaral at pakikipanayam sa pamilya, tagapag-alaga, at iba pang nakakakilala sa mag-aaral. Binibigyang-diin ng IDEA at ng No Child Left Behind Act (Batas na Walang Bata ang Maiiwan) ang paggamit ng mga pagtatasa sa klase para sa paglikom ng impormasyon. Ang mga pagtatasang ito sa klase ay kadalasang tinatawag na mga sukatang batay sa curriculum. Dapat mong itanong kung gumamit ng mga sukatang batay sa curriculum para sa iyong anak upang masuri ng lahat ng miyembro ng pangkat para sa ebalwasyon ang mga pagtatasang ito dahil minsan, kinukumpleto ang mga sukatang batay sa curriculum ng mga guro sa general education (pangkalahatang edukasyon) at hindi ibinabahagi sa kawani sa special education.
Paano kung hindi ako sang-ayon sa saklaw o resulta ng ebalwasyon?
Maaari kang humiling ng independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon na sasagutin ng distrito kung hindi ka sang-ayon sa ebalwasyon. Kung may alalahanin ka tungkol sa saklaw o resulta ng ebalwasyon, may mga bagay kang magagawa:
- Kausapin ang distrito at ipahayag ang iyong alalahanin. Hilingin sa distrito na gumawa ng karagdagan o higit pang ebalwasyon
- Humanap ng iba pang paraan para maisagawa ang ebalwasyon (May medikal na pagsaklaw ba ang iyong anak na magagamit pambayad sa ebalwasyon sa mga kinakailangang larangan? Kailangang isaalang-alang ng distrito na kumuha ng mga ebalwasyon mula sa labas.)
- Humiling ng independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon na sasagutin ng distrito, at kumuha ng listahan ng mga tagasuri mula sa distrito
- Pag-isipang gumamit ng mas pormal na opsiyon sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan, gaya ng pagkakaroon ng tagapamagitan, pagrereklamo, o karampatang pagdinig. Tingnan ang Seksiyon VII ng lathalaing ito para sa iba pang impormasyon tungkol sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan.
Ano ang mangyayari kung hihiling ako ng “independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon na sasagutin ng publiko?”
Kailangang pagbigyan ng distrito ang hiling o magpasimula ito ng pagdinig para maipakitang angkop ang ebalwasyon nito. Ang ibig sabihin ng independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon ay ebalwasyong isinasagawa ng isang kuwalipikadong taong hindi empleyado ng distritong nangangasiwa sa edukasyon ng mag-aaral. Kung hihilingin, kailangang magbigay ang distrito ng impormasyon sa mga magulang tungkol sa kung saan makakakuha ng independiyenteng ebalwasyong pang-edukasyon. Mapipili ng mga magulang kung sino ang magsasagawa sa ebalwasyon. Magkakaroon ang distrito ng 15 araw sa kalendaryo upang humiling ng karampatang pagdinig kung tututulan nito ang hiling para sa independiyenteng ebalwasyon. Kung hindi hihiling ang distrito ng pagdinig sa loob ng 15 araw sa kalendaryo, kailangan nitong bayaran ang independiyenteng ebalwasyon o siguruhing makakapagbigay ng ganito nang walang babayaran ang mag-aaral o pamilya. Kung mapagpasyahan ng opisyal sa pagdinig na angkop ang ebalwasyon ng distrito, may karapatan pa rin ang magulang na kumuha ng independiyenteng ebalwasyon, ngunit hindi ito kailangang bayaran ng distrito. Kailangan pa ring isaalang-alang ng distrito ang resulta ng independiyenteng ebalwasyon kahit na hindi ito ang magbabayad para dito.